Tiyak na makakatulong sa epekto ng inflation o patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo ang plano ng gobyerno na palawigin ang mga programang nagkakaloob ng ayuda sa mga higit na nangangailangan.
Inihayag ito ni Committee on Appropriations Senior Vice Chairperson at Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo kaugnay sa pagtutok ng administrasyong Marcos sa provision sa ilalim ng 2023 budget na naglalaan ng P206.50 billion na halaga ng subsidiya at tulong-pinansyal.
Binanggit ni Quimbo na malaking bahagi nito o P165.40 billion pesos ay ilalaan sa iba’t ibang social assistance program sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay Quimbo, makakakuha rin ng pondong pang-ayuda ang iba pang mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Health (DOH), Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Agriculture (DA).
Kaugnay nito ay binigyang diin ni Quimbo na makatutulong din kung ie-expand pa ng pamahalaan ang pagbibigay ng fuel and fertilizer subsidies para mapalakas ang produksiyon sa agrikultura at matiyak ang food security.