Idinekralang matagumpay at mapayapa sa pangkalahatan ang plebisito sa Mindanao kahapon para sa Bangsamoro Organic Law (BOL).
Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez – naging maayos ang botohan sa kabila ng pagkaantala ng pagbubukas ng ilang polling precincts sa Cotabato City.
Aniya, 100% ng poll precincts ay nabuksan subalit 24 mula 374 na presinto sa Cotabato ay apat na oras na naantala bago nabuksan dahil ang mga gurong inatasan ng election duty ay hindi pumunta.
Pero agad namang napalitan ang mga guro ngunit nagdulot ito ng delay sa proceeding na nakaapekto sa 8,000 botante.
Sinabi naman ni PNP Chief, Director General Oscar Albayalde – nanatiling mapayapa ang plebisito kahit may naitalang untoward incidents, kabilang ang pagsabog sa compound ng isang judge sa Cotabato City.
Inaalam na rin ng PNP kung ang pagsabog ay may personal na kinalaman laban kay Municipal Trial Court judge Angelito Rasalan.
Hindi pa rin inaalis ng PNP ang posibilidad na miyembro ng local terrorist group ang responsable sa pagsabog.
Sa ngayon, ang aabangan ay ang resulta ng plebisito.
Kapag nakakuha ng positibong resulta, magsasagawa ang Comelec ng ikalawang bahagi ng plebisito sa 28 barangay sa North Cotabato na hindi sakop ng ARMM pero magiging bahagi ng BOL territory.
Kapag nataripikahan ang BOL, ang ARMM ay papalitan ng BARMM.