Cauayan City, Isabela- Nagbabala ang PNP Benito Soliven sa mga residenteng naglalaro ng illegal gambling lalo na sa mga senior citizen kasabay ng nararanasang pandemya na dulot ng COVID-19.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt Krismar Angelo Casilano, hepe ng pulisya, ikinalulungkot aniya nito ang pagkahuli ng ilang residente na kinabibilangan ng mga senior citizen na naaktuhang nagsusugal sa kanilang lugar.
Matatandaan noong December 9, 2020 ng hapon ay inaresto ng kapulisan ang tatlong kababaihan sa brgy San Carlos na naabutang naglalaro ng ‘Tong-its’ na kung saan dalawa (2) sa mga ito ay mga senior citizen.
Kamakailan din lamang ay natimbog ng PNP Benito Soliven ang anim (6) na kalalakihan sa paglalaro ng ‘Cara y Cruz’ sa barangay Punit sa nasabing bayan.
Ayon kay PCapt Casilano, prone sa COVID-19 ang mga matatanda dahil mayroon pa rin ang banta ng pandemya kaya’t isa rin aniya ito sa kanilang ikinukonsidera na mahigpit na ipagbawal ang pagsusugal ng mga senior citizen.
Kaugnay nito, patuloy pa rin ang kampanya at pagpapaalala ng PNP Benito Soliven sa mga kababayan na itigil na ang pagsusugal upang hindi na humantong sa pagkakahuli.
Ipinaalala din nito sa mga residente ang pagsunod sa health and safety protocol gaya ng pagsusuot ng face mask, face shield, paghuhugsa ng kamay at pag obserba sa social distancing kung pupunta sa mga matataong lugar upang makaiwas sa sakit na COVID-19.