PNP, bibili ng karagdagang 12 helicopters

Mas palalakasin pa ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang air fleet para magamit sa kanilang iba’t ibang operasyon at misyon.

Ayon kay PNP Chief General Debold Sinas, nakatakda silang bumili ng 12 pang helicopters ngayong taon.

Aniya, ito ay bahagi ng 20 mga air assets na target nila mabili kabilang dito dalawang fixed wings aircraft at air ambulance para mabuo ang kanilang PNP Air Group.


Sa ngayon aniya, nagpapatuloy ang pagsasanay sa mga piloto ng PNP.

Sa katunayan, nasa 10 piloto ang nakatakdang magtapos sa pagsasanay.

Sasailalim din sa rescue and evacuation training ang mga PNP pilots kasama na dito ang pagpapalipad sa mga fixed wing aircraft at mga choppers.

Sa kasalukuyan, may pitong choppers ang PNP na functional kabilang dito ang pitong H-125 Airbus, dalawang R-22 Robinson police helicopters at isang fixed-wing trainer aircraft.

Samantala, kinumpirma ng PNP Chief na natanggap na nila ang bayad o refund mula sa insurance sa bumagsak na PNP chopper noong nakaraang taon.

Ayon kay Sinas, nasa $300,000 ang refund na kanilang natanggap mula sa GSIS kasama na dito ang insurance pay na ibibigay sa mga naging biktima ng pagbagsak.

Matatandaang sa pagbagsak ng helicopters, nasawi si Major General Joevic Ramos habang nakaligtas sina dating PNP Chief Archie Gamboa, Major General Mariel Magaway; BGen Bernard Banac at mga piloto.

Sinabi ni Sinas, ang perang mula sa insurance ay gagamitin nila para bumili ng air ambulance aircraft.

Facebook Comments