Cauayan City, Isabela – Wala pang nahahagilap na motibo ang PNP Cauayan sa nangyaring pamamaril na ikinamatay ng dalawang katao sa Rizal Avenue, Cauayan City noong gabi ng Oktubre 9, 2017.
Ayon sa panayam ng RMN Cauayan News kay PSupt Narciso Paragas, hepe ng Cauayan PNP, wala pang nakikitang anggulo sa motibo ng pamamaslang dahil ang mga nakakita sa naturang pamamaril ay ayaw magbigay ng pahayag.
Magugunita na bandang 8:00 ng gabi sa naturang araw ay pinagbabaril ng riding in tandem ang isang Socrates Bala Sr y Ramos,41 anyos,may asawa at residente ng District 1,Cauayan City at isang Catherine Rotas alyas Tin-Tin, 20 anyos at sinasabing live in partner ni Socrates habang papasakay sila sa kanilang Toyota Hilux na nakaparada sa harap Tapa King. Si Socrates ay anak ng dating huwes sa Cauayan City na nanilbihan din bilang board member at provincial administrator ng Isabela na si Judge Dionitio Bala.
Batay sa karagdagang impormasyon na nakalap ng DWDY RMN Affiliate Station Reporter Leah Daguio, si Socrates ay dating drug surenderee at kinumpirma ito ni COP Paragas na ito ay sumuko noong July 12, 2016.
Sinabi pa ng hepe na natanggal na sa kanilang drug watch si Bala dahil sumailalim na ito sa rehabilitasyon.
Sa ngayon ay sisilipin pa ng PNP ang mga CCTV camera recordings na posibleng nakahagip sa pangyayari upang matulungan sila sa kanilang imbestigasyon.
Ang Rizal Avenue ay isa sa mga pangunahing lansangan ng Cauayan at dito kahilera ng city hall ang maraming mga establisyemento.