PNP Cagayan, May Bagong Pinuno

Camp Adduru, Tuguegarao City, Cagayan –Pormal na itinalagang bagong pinuno ng Cagayan PNP Provincial Office si PSSupt Ignacio Cumigad Jr bilang Officer-In-Charge.

Sa ginanap na seremonya sa conference hall ng Police Regional Office 2 kaninang hapon ng Enero 9, 2019 ay ipinasakamay ng outgoing provincial director na si PSSupt Warren Gaspar Tolito ang pamunuan ng PNP Cagayan kay incoming Provincial Director PSSupt Ignacio Cumigad Jr.

Ang naturang pormal na pagsasalin ay sinaksihan mismo ng Regional Director ng PNP Cagayan Valley na si PCSupt Jose Mario M Espino, DILG Regional Director Jonathan Paul M. Leusen Jr at iba pang matataas na opisyal ng PRO2.


Sa naging pahayag ni Regional Director Espino ay kanyang pinasalamatan si PSSupt Tolito sa kanyang naging serbisyo sa lalawigan ng Cagayan at kabilang dito ang kampanya laban sa droga at ang matagumpay na pagsawata sa alinmang karahasan ng mga rebeldeng NPA kontra sa kapulisan ng lalawigan.

Samantalang kanya ring sinabi sa incoming PNP provincial director na huwag na niyang palitan ang kanyang pamamaraan ng pamumuno dahil ito ang magdadala sa kanya sa ituktok at siya ring naging rason kung bakit naging pang-lima ang logistics division ng PRO2 sa bansa na siyang dating unit na kanyang pinamunuan.

Bago sa naging talumpati ni RD Espino ay naghayag ng pasasalamat si outgoing PNP Provincial Director Tolito dahil kumpara sa kanyang pagkakatalaga bilang pinuno ng PNP Cagayan noong Mayo 2017 ay mayroong pormal na seremonya ng pagsasalin sa susunod sa kanya na provincial director.

Si PSSupt Tolito ay malilipat sa records section sa kampo Crame pagkatapos ng kanyang panunungkulan sa Cagayan.

Samantala nagpasalamat naman si PSSupt Cumigad sa pagkakataon na magsilbi bilang provincial director ng Cagayan at agad din naman niyang pinulong ang mga opisyal ng PNP ng lalawigan pagkatapos ng turn-over ceremony.

Facebook Comments