Cauayan City, Isabela- Mayroon ng ‘person of interest’ ang Cauayan City Police Station sa nangyaring panloloob sa isang pawnshop kahapon, September 5, 2021 sa pribadong pamilihan ng Cauayan sa barangay San Fermin.
Ito ang kinumpirma ni PLT. Scarlette Topinio, information officer ng PNP Cauayan sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Batay aniya sa isinagawang pagsisiyasat ng mga imbestigador, mayroon na silang nakitang gabay na posibleng nasa likod sa naganap na insidente.
Natangay ng armadong suspek ang pera na nagkakahalaga ng mahigit Php100,000.00 maliban pa sa mga nakuhang alahas.
Kaugnay nito, nangangalap pa ang mga imbestigador ng iba pang kuha ng CCTV Camera sa mga katabing establisyemento ng niloobang bahay sanglaan na posibleng nahagip ang nanloob na suspek para sa pagkakakilanlan at ikadarakip nito.
Sakaling may matukoy na suspek ay sasampahan nila ito ng kasong Robbery.
Samantala, nagpaalala naman ang tagapagsalita ng PNP Cauayan sa mga business owners lalo na sa mga may-ari ng pawnshop o kahalintulad na establisyimento na higpitan ang isinasagawang pagbabantay, pagpapaalala sa mga empleyado at magkaroon din ng background check sa mga kinukuhang tauhan o empleyado para maiwasan ang anumang hindi inaasahang insidente kagaya sa nangyaring krimen.