Ayon kay PLT Scarlette Topinio, Information Officer ng PNP Cauayan City, mula nang ipatupad ang gun ban sa buong bansa noong ika-siyam ng Enero alinsunod sa COMELEC Resolution no. 10728 ay wala pang nahuhuli ang kapulisan sa mga motorista o byaherong dumadaan sa binabantayang COMELEC Checkpoint na may dalang baril o anumang ipinagbabawal na deadly weapons.
Ayon kay PLt Topinio, isa lamang ang kanilang binabantayan na COMELEC Checkpoint na nakabase sa barangay Tagaran na kung saan ay sumusunod naman ang karamihan sa mga motorista sa ipinatutupad na gun ban.
Bagamat may ilang motorista na nag-iiba ang reaksyon tuwing dumadaan sa COMELEC Checkpoint ay nakakaya naman umanong pakitunguhan at pakiusapan ng mga nakatalagang pulis para masuri ang loob ng kanilang sasakyan.
Hiniling naman ng PNP Cauayan sa lahat ng mga motorista at bumabyahe na para hindi maabala sa byahe at makaalis ng mabilis sa Checkpoint ay makipagtulungan lamang sa mga magsusuring pulis.
Pinayuhan ang mga motorista na kapag nakarating sa COMELEC Checkpoint ay ihanda na agad ang driver’s license at vaccine card at buksan agad ang bintana ng sasakyan para makita ng susuring pulis ang loob ng sasakyan.
Matatapos naman ang election gun ban sa darating na ika-walo ng Hunyo.