PNP Chief Dela Rosa, gusto nang i-recall ang SAF members sa New Bilibid Prison

Manila, Philippines – Ipapa-recall na ni PNP Chief Ronald Dela Rosa ang tatlong daang miyembro ng PNP Special Action Force na nakatalaga sa New bilibid Prison.

Ito ay matapos ang ginawang pag-amin ni DOJ Secretary Vitaliano Aguirre na muling nagkaroon ng bentahan ng iligal na droga sa bilibid at sangkot na rito ang ilang SAF members.

Ayon kay PNP Chief Dela Rosa, nais nyang palitan na ang lahat ng kanyang tao sa NBP.


Dahil nakiusap raw ang mga ito na ilipat na lamang sila ng assignment sa pangambang masisira lamang daw ang kanilang hanay kung mananatili pa sa Bilibid.

Hindi naman daw kasi kontrolado ng SAF ang buong NBP kaya kung gagawa aniya ng iligal ang mga druglord sa loob hindi ito maaksyunan ng PNP SAF.

Sa ngayon makikipag-usap pa raw si PNP Chief sa hepe ng PNP SAF para alamin kung ano ang magandang desisyon sa hiling ng kanilang mga tauhan sa NBP.

Sa katunayan, ayon pa kay Dela Rosa masyado nang maraming trabaho ang PNP SAF lalo na aniya ngayon na may gyera sa Marawi City at meron pang binabantayang problema sa Zamboanga Peninsula, at Central Mindanao.

Facebook Comments