Manila, Philippines -Nakahanda na ang Philippine National Police Explosive and Ordinance Division na magpadala ng bomb squad expert sa Marawi City.
Ito ay matapos na ipag-utos kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte kay PNP Chief Director General Ronald dela Rosa na ipadala ang mga bomb squad expert mula sa Davao City para tumulong sa nagaganap na giyera sa Marawi City ngayon.
Ayon kay Senior Supt. Remedio Gregorio, ang head ng PNP EOD, hinihintay na lamang nila ang order mula sa directorate for operations para malaman kung ilan at kung kailan tutungo ang mga bomb squad expert sa Marawi.
Sa ngayon aniya, mayroong dalawamput tatlong bomb expert at anim na K9 unit ang naka standby sa camp crame.
Karamihan aniya sa mga bomb expert na nasa camp crame ay nagsanay pa sa Amerika.
Nakahanda na rin aniya ang kanilang kagamitan gaya ng open light bomb suit, x-ray at iba pa.
Ayon kay Gregorio, pinag-aaralan na rin nila kung maaring hugutin ang ibang bomb squad expert sa mga rehiyon para umayuda sa Marawi City.
Sa ngayon, nasa ikaisandaan at isang araw na ang giyera sa Marawi kung saan halos walong daang katao na ang nasasawi dulot ng pangugulo ng teroristang Maute group.