PNP, handa na sa pagsisimula ng kampanya sa local post bukas

Handa na ang buong pwersa ng Philippine National Police (PNP) para sa pagpapanatili ng seguridad sa pagsisimula bukas ng campaign period sa local position.

Sa panayam ng RMN Manila, tiniyak ni PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo na nakalatag na ang ipatutupad nilang seguridad para matiyak na magiging mapayapa ang panahon ng kampanya hanggang sa halalan.

Aniya, magbibigay ng standard security package ang PNP sa mga kandidato pero mananatili lamang ang mga pulis sa campaign activity area at hindi susunod sa mga kandidato.


Tanging ang mga kandidato naman na may certificate of authority mula sa Commission on Elections ang pwedeng magkaroon ng police security personnel.

Sinabi ni Fajardo na bukod sa makakatuwang nila ang Armed Force of the Philippines, ay magdadagdag sila ng pwersa sa mga natukoy na election hotspots.

Nabatid na apat na kategorya ang inilagay ng PNP sa mga lugar na nasa election hotspots.

Ang Green ay ikinokonsiderang generally peaceful, Yellow para sa areas of concern na may naitalang election-related incident, ang Orange sa areas of immediate concern na may serious armed threat, at Red para sa mga lugar na may areas of grave concern kung saan posibleng ideklara ang COMELEC control.

Facebook Comments