PNP, handang magpaimbestiga kaugnay sa pagkamatay sa operasyon ng isang peace consultant ng National Democratic Front

Bukas ang Philippine National Police (PNP) sa anumang imbestigasyon kaugnay sa pagkamatay ng isang peace consultant ng National Democratic Front na si Reynaldo Bocala.

Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, karapatan ng pamilya at mga kaibigan ni Bocala na humiling ng hiwalay na imbestigasyon sa pagkamatay nito.

Pero igiinit ni PNP Chief na magsasagawa ng motu proprio investigation ang PNP Internal Affairs Service sa nangyari para malaman kung may pagkukulang ang mga operatiba sa ikinasang operasyon.


Batay sa report ng PNP, isinilbi ng mga tauhan ng Police Regional Office 6 kasama ang mga tauhan ng militar ang warrant of arrest na inisyu ng iba’t ibang korte laban kay Bocala sa Iloilo.

Pero nanlaban daw si Bocala at kasama nito kaya sila napatay sa operasyon.

Samantala, pinabulaanan naman ni Eleazar ang mga alegasyong nagtanim ang pulis ng ebidensiya sa mga nasawi.

Aniya, nagtungo sa lugar ang mga pulis ng suspek para magsilbi ng arrest warrant.

Si Bocala ay asawa ni Maria Concepcion “Concha” Araneta-Bocala, na kabilang sa listahan ng mga terorista na inilabas ng Anti-Terrorism Council.

Facebook Comments