PNP-Human Rights Affairs Office, humingi ng paumanhin sa isyu ng red-tagging at profiling sa community pantries

Humingi ng paumanhin ang Philippine National Police (PNP) kaugnay sa naging isyu ng red-tagging at profiling sa organizers at volunteers ng community pantries.

Sa harap na rin ito ng pagtalakay ng House Committee on Human Rights sa mga nagsulputang community pantries na nagsilbing relief mechanism ng mga mahihirap na pamilyang apektado ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay PNP-Human Rights Affairs Office (HRAO) PBGen. Vincent Calanoga, humihingi siya ng paumanhin sa hindi pagkakaintindihan ng mga pulis at organizers ng community pantries.


Paglilinaw ni Calanoga, hindi bahagi ng polisiya ng PNP ang red-tagging at profiling sa sinumang organizers at volunteers ng humanitarian act na ito.

Katunayan aniya ay suportado ng PNP ang community pantries sa bansa.

Pero iginiit ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, mismong ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at PNP ay nag-post sa kanilang mga social media account na iniuugnay sa mga komunista at rebelde ang organizers ng community pantries.

Samantala, humirit din si Brosas sa Kamara na bigyan ng commendation o pagkilala si Ana Patricia Non na siyang nagpasimula ng Maginhawa Community Pantry gayundin ang iba pang organizers ng iba pang kahalintulad na gawain.

Facebook Comments