Totoong katuwang ng Philippine National Police (PNP) ang Commission on Human Rights (CHR) sa pagbabantay sa mga lumalabag sa karapatang pantao.
Ito ang inihayag ni PNP Chief General Guillermo Eleazar, matapos ang inilabas na resolution ng CHR Region V na nagsasabing walang pakundangan ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front o CPP-NPA-NDF sa pagpatay sa mga inosente.
Ang inilabas na resolusyon ng CHR ay kaugnay sa insidente ng pagkakapatay ng NPA kay football player Keith Absalon at pinsan nitong si Nolven Absalon sa Masbate.
Para kay PNP chief, sa pamamagitan ng resolusyong ito, napagtibay rin ang katotohanan na ang kanilang mga sarili lamang ang iniisip ng mga rebeldeng ito.
Tiniyak naman ni PNP chief sa publiko na magpapatuloy ang kanilang mga operasyon laban sa mga rebeldeng NPA.
Aniya pa, patuloy silang makikipag-ugnayan at magtatatrabaho kasama ang militar para maghangad ng hustisya sa mga indibidwal na naging biktima ng karahasan ng mga komunistang rebelde.