Cauayan City, Isabela- Nagpapatuloy pa rin ang pagmamando ng mga itinalagang kapulisan sa itinatag na ELCAC Help Desk sa bawat barangay sa lalawigan ng Isabela.
Sa isinagawang talakayan ng Police Regional Office (PRO) 2 kay PCol James Cipriano, provincial director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), nabuo aniya ang ELCAC help desk kasabay ng paglulunsad sa project SAGIP o Sustaining our Advocacy to Grind Insurgency in the Province na pinapangunahan ng mga pulis sa Lalawigan.
Ayon kay PCol Cipriano, umaabot sa 1,085 pulis ang nakakalat sa buong probinsya upang magsilbi sa komunidad lalong lalo na ang layuning matulungang mapasuko ang mga miyembro ng teroristang grupo sa Isabela.
Itinatag aniya ang ELCAC help desk sa bawat barangay para sa mga kasapi ng New People’s Army (NPA) na nais magbalik-loob sa pamahalaan at tutulungan ng kapulisan sa pagkuha ng kanilang mga benepisyo na matatanggap mula sa gobyerno.
Ang paglulunsad sa naturang proyekto ay dinaluhan ng nasa 152 na dating mga supporter ng NPA.
Ayon pa sa Provincial Director, ang mga itinalagang ‘Pulis sa Barangay’ ay maaaring lapitan ng mamamayan hindi lamang sa pang insurhensya kundi maging sa kriminalidad.