Naka-heightened alert na ngayon ang Philippine National Police (PNP) sa Metro Manila kasunod ng nangyaring kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu na ikinasawi ng 15 na katao at nag-iwan ng higit 70 na sugatan.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Joint Task Force COVID Shield Commander Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar na kahit sa Mindanao naganap ang pagsabog ay hindi nila isinasantabi ang banta ng terorismo sa Metro Manila.
Nilinaw din ni Eleazar na hindi lamang para sa COVID-19 ang kanilang itinalagang nasa 3,200 na checkpoints kundi para mas mapaigting pa ang pagbabantay sa seguridad sa buong bansa.
Malaking bagay din aniya na kinakailangan ng travel authority para makabiyahe ngayon dahil sa mga quarantine para malaman ang layunin ng isang indibidwal na mag-aapply nito.
Una nang nagpahayag ng suporta ang PNP sa mungkahi ni Philippine Army Chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana kaugnay sa posibilidad ng pagpapatupad ng Martial Law sa Sulu.
Ayon naman sa Palasyo, nakadepende pa rin sa magiging rekomendasyon ng AFP at PNP kay Pangulong Duterte ang pagsasailalim ng lalawigan sa batas militar.