Ipinatupad lamang ng Philippine National Police ang batas at hindi na-“single out” si Negros Oriental 3rd District Representative Arnie Teves.
Ito ang pahayag ng PNP Firearms and Explosives Office makaraang umalma ang mambabatas at sinabing ginigipit umano siya ng PNP matapos kanselahin ang kanyang License to own and Possess Firearms (LTOPF) at I-pull out ang kanyang security.
Ayon kay PNP Firearms and Explosives Office Chief PCol. Kenneth Lucas, ang LTOPF ay isang pribilehiyo na maaring bawiin anumang oras kung hindi makatupad sa rules at guidelines ang may ari ng baril.
Base kase sa isinagawang regular na inspeksyon ng FEO alinsunod sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, natuklasang kwestyonable ang mga dokumentong isinumite ni Teves para sa kanyang firearm license dahilan para bawiin ng PNP-FEO ang kanyang pribilehiyo na magkaroon ng lisensya ng baril at kinumpiska ang tatlong mahahabang armas at siyam na short firearms na nakarehistro sa mambabatas.
Nilinaw pa ng FEO na hindi porke’t nabigyan ng LTOPF si Teves kahit may pagkukulang sa dokumento ay may vested interest na siya rito.
Kaugnay naman ng pag-pull out ng police bodyguards ni Teves, pinaliwanag ng FEO na alinsunod sa PNP Memorandum Circular 2019-006 kung saan nakasaad na mga miyembro lang ng Police Security Protection Group (PSPG) ang awtorisado na magbigay ng proteksyon sa mga opisyal ng pamahalaan.