Legal at maayos na pinigilan ng mga pulis ang mga nagpo-protesta sa Pres. Corazon C. Aquino Elementary School sa Batasan Hills, Quezon City kahapon.
Ito ang sinabi ni Philippine National Police (PNP) Public Information Office Chief Police Brig. General Roderick Augustus Alba matapos kumalat sa social media ang video ng insidente kung saan pinigilan ng mga pulis ang grupo ng kabataan na magprotesta sa tapat ng naturang paaralan.
Ayon kay Alba, humingi ng permiso ang grupo sa Quezon City Police District Assistance Desk na mamamahagi lamang sila ng alcohol at facemasks sa tapat ng paaralan, pero biglang naglabas ang mga ito ng mga streamer at placards at nagsagawa ng protesta.
Paliwanag ni Alba, pinigilan ng mga pulis ang mga raliyista dahil nakakasagabal lamang sila sa daan ng mga magulang at estudyante at nagdudulot narin ito ng pagbigat ng daloy ng trapiko.
Binigyang diin pa nito na hindi sila tutol sa paglalabas ng hinaing ng mga militante ang dapat lamang aniya ay gawin ito sa tamang lugar tulad ng mga freedom park upang hindi makasagabal lalo na sa mga mag-aaral.