Iniutos ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar sa lahat ng police units na maging offensive laban sa mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Ito ay dahil sa pananamantala ng grupo sa COVID-19 pandemic para mas makapag-recruit at magsagawa ng mga pag-atake at matapos din ang utos ni Presidential Adviser on the Peace Process Secretary Carlito Galvez Jr., na maging mas alerto kontra BIFF.
Ayon kay Eleazar, sa ngayon ay mas pinaigting nila ang intelligence operations at police operation para mapigilan ang mga ginagawang recruitment at pag-atake ng BIFF.
Aniya, sinasamantala ng BIFF ang kagutuman at kawalan ng trabaho ng ilan sa ating mga Pilipino.
Naniniwala naman si Eleazar na para maging matagumpay ang laban sa BIFF kailangan ng kooperasyon ng publiko sa PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Matatandaang kamakailan ay inokupa ng mahigit isang daang BIFF ang bayan ng Datu Paglas sa Maguindanao pero umalis din ang mga ito sa lugar matapos rumesponde ang militar.