PNP, nilinaw na hindi ikinulong ang inarestong lolo sa Pangasinan dahil sa inakusahang nagnakaw ng mangga

Hindi ipinasok sa kulungan ang 80 anyos na lolo na inakusahan ng pagnanakaw ng mangga sa Asingan, Pangasinan.

Ito ang nilinaw ni Philippine National Police (PNP) Chief General Dionardo Carlos, matapos na mag-trending sa social media ang pag-aresto sa lolo na si Narding “Lolo Narding” Floro.

Ayon sa PNP chief, bagama’t inaresto ng mga tauhan ng Asingan PNP ang lolo sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte ay hindi ito literal na ipinasok sa kulungan sa halip nasa kanilang kustodiya lamang habang naghihintay na makapag-piyansa.


Nakita raw kasi ng mga pulis ang hirap na sitwasyon ng matanda.

Sa katunayan, ayon kay PNP chief ay babayaran niya sana ang piyansa ng lolo pero nauna nang nag-contribution ang mga pulis sa Asingan PNP para maipambayad sa piyansa ni Lolo Narding.

Sa huli, giniit ni PNP chief, ginawa lamang ng mga pulis ang utos ng korte na arestuhin ang lolo pero nanatili sa kanilang hanay ang compassion sa mga taong kailangan nito.

Matatandaang inireklamo si Lolo Narding dahil sa umano’y pamimitas nito sa puno ng mangga na umabot ng sampung kilo na siya naman daw ang nagtanim at alam niyang sakop nang kanyang bakuran.

Facebook Comments