
Naglabas ng paalala ang Philippine National Police (PNP) Pangasinan sa publiko kaugnay ng patuloy na tensyon sa Middle East na maaaring makaapekto sa suplay at presyo ng langis at mga pangunahing bilihin sa bansa.
Ayon sa PNP, mahalagang maging alerto at maalam ang mamamayan upang maiwasan ang pananamantala ng ilang negosyante at mapanatili ang kaayusan sa merkado sa gitna ng umiiral na sitwasyon.
Sa parehong pahayag, ipinaliwanag ng Department of Trade and Industry (DTI) Region 1 ang kanilang mga hakbang upang matiyak na hindi magkukulang ang suplay ng mga pangunahing bilihin. Ayon kay Natalia B. Dalaten, Acting Regional Director ng DTI Region 1 at concurrent Provincial Director ng Pangasinan, patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng ahensya sa presyo at suplay sa mga pamilihan.
Nanawagan ang pamahalaan ng kooperasyon mula sa mga negosyante na sumunod sa itinakdang presyo at umiwas sa overpricing, habang hinihikayat naman ang mga mamimili na maging responsable sa pagbili at iwasan ang panic buying.
Samantala, pinaalalahanan ng PNP ang publiko na agad i-report sa kinauukulan ang anumang mapansing iregularidad sa presyo o suplay ng bilihin upang agad itong maaksyunan.
Patuloy ang panawagan ng mga ahensya ng gobyerno para sa pagkakaisa at disiplina ng lahat upang mapanatili ang katatagan ng ekonomiya at proteksyon ng mamamayan sa gitna ng pandaigdigang hamon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










