PNP, pinagagawan ng Senado ng ‘threat assessment’ sa bawat lalawigan sa bansa

Iminungkahi ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa Philippine National Police (PNP) na gumawa ng ‘threat assessment’ sa mga lalawigan sa buong bansa.

Ang hirit ng senador na alamin ang mga banta sa pulitika sa mga probinsya ay bunsod na rin ng karumal-dumal na pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at ang ibayong pag-iingat para sa nalalapit na barangay elections.

Partikular na pinasisilip ni Zubiri sa PNP ang mga private armies na talamak sa mga opisyal sa mga probinsya.


Giit ni Zubiri, sa mga opisyal ng pamahalaan ay pinapayagan lamang sila na magkaroon ng aid mula sa Police Security and Protection Group (PSPG) ng hanggang dalawa pero dahil sa ikatlo siya sa highest ranking ng Konstitusyon ay apat na police aids ang itinalaga sa kanya.

Pero kung sobrang marami na tila private armies na ang nakabantay sa isang lokal na opisyal ay mabuting gumawa na ng paraan ang PNP para mabuwag ito.

Ito aniya ang dahilan kaya mahalagang magsagawa ng ‘threat assessment’ ang PNP at silipin kung may mga nagbabanggaang paksyon at political armies sa mga lugar sa bansa.

Inihalimbawa ni Zubiri ang Abra at Mindanao na palaging may mga nagpapatayang pulitiko na dapat ma-assess ng husto ng pulisya.

Inihirit din ng senador ang pagtataas ng police at military presence sa mga lugar na maiinit pagdating sa usaping pulitika gayundin ang paglalagay ng mga checkpoints upang mapigilan ang paggawa ng krimen sa mga lalawigan.

Facebook Comments