PNP San Guillermo, Nananawagan sa Pamilya ng Napatay na Kumander ng NPA sa Region 2

*Cauayan City, Isabela- *Nananawagan ang himpilan ng San Guillermo Police Station sa pamilya ng napatay na lider ng NPA sa rehiyon dos na kunin na ang kanyang bangkay na kasalukuyang nakalagak sa isang punerarya sa brgy. Centro Uno ng nasabing bayan sa Lalawigan ng Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj. Joseph Jonathan Binayug, Hepe ng pulisya, kanyang sinabi na kung walang kukuhang kaanak sa labi ni Ka Yuni na kinilalang si Rosalio V Canlubas, tubong Calinan, Davao City ay makikipag-ugnayan na ang pulisya sa kanilang alkalde at sa hanay ng 86th Infantry Battalion para sa gagawing disposisyon o pagpapalibing sa bangkay ng nasawing rebelde.

Sinabi ng Hepe na natunton ang bangkay ni Ka Yuni sa barangay Dingading na tatlong (3) metro ang layo mula sa pinangyarihan ng engkuwentro sa militar sa barangay San Mariano Sur sa nasabing bayan.


Ang pagkakadiskubre sa bangkay ng opisyal ay dahil sa tulong ng mga residenteng nagpaabot ng impormasyon sa lugar.

Base sa post mortem exam ng SOCO Santiago City, nagtamo ng dalawang tama ng bala sa ulo at isa sa braso ang napatay na Kumander ng NPA matapos ang pakikisagupa sa mga tropa ng 86th IB.

Ayon pa kay Maj. Binayug, maaaring makipag-ugnayan sa kanilang himpilan ang sinumang kaanak o pamilya ni Ka Yuni upang makuha at mailibing siya ng maayos.

Facebook Comments