Thursday, February 12, 2026

PNP, tiniyak ang kahandaan sa seguridad para sa gaganaping Trillion Peso March sa February 25

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang kahandaan nito sa pagbibigay ng seguridad para sa ikatlong bahagi ng anti-corruption protest na Trillion Peso March sa February 25.

Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan na niya ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na tiyakin ang maayos na deployment at pagpapakilos ng mga pulis at assets para sa nasabing protesta.

Sinabi ni Nartatez na nire-review at ina-update na nila ang security plan para sa event upang masiguro ang kaayusan, habang iginagalang ang karapatan ng mga mamamayan sa malayang pagpapahayag.

Ang nasabing anti-corruption rally ay inorganisa ng Caritas Philippines kasama ang iba pang civil society groups.

Inatasan din ni Nartatez ang NCRPO at iba pang police commander na makipagpulong at makipag-ugnayan sa mga organizer upang matiyak na maisasagawa ang event nang ligtas at payapa.

Inaasahan naman ng PNP chief na pareho ang lebel ng seguridad sa mga probinsyang magsasagawa rin ng kahalintulad na aktibidad.

Facebook Comments