Cauayan City, Isabela- Hindi magsasawa at titigil ang himpilan ng PNP Tumauini, Isabela sa panghuhuli sa mga pasaway na indibidwal sa ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine.
Ito ang iginiit ni PMaj. Rolando Gatan, hepe ng pulisya sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Aniya, tinatayang nasa higit 60 katao na ang kanilang mga nahuli at dinala sa himpilan ng pulisya na lumabag sa ECQ habang ginugunita ang Semana Santa.
Ilan sa mga nahuli na nagpipicnic sa mga ilog sa bayan ng Tumauini ay kinabibilangan ng mga menor de edad.
Pinauwi na muna ang mga nadakip at idadaan na lamang sa regular filing ang pagsampa ng kaso.
Ipinasakamay naman sa mga opisyal ng barangay ang mga nadakip na menor de edad para sa community service.
Ayon pa kay PMaj. Gatan, hindi aniya nila tatantanan ang mga taong lumalabag sa ECQ maging sa kanilang ordinansa katuwang ang mga opisyal ng barangay at iba pang mga frontliners upang sila’y dakpin.
Nananawagan pa rin ang Hepe sa mga residente ng Tumauini na makiisa at manatili lamang sa mga tahanan upang mapagtagumpayan ang COVID-19.