*Cauayan City, Isabela- *Hiniling ng Hepe ng PNP Tumauini sa mga opisyal ng barangay na higpitan ang pagbibigay ng quarantine pass sa mga residente nito.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj. Rolando Gatan, Chief of Police ng PNP Tumauini, Isabela, nakipag-ugnayan na aniya ito sa mga barangay kaugnay sa pag-iisyu ng quarantine pass ngayong nasa ilalim na ng General Community Quarantine ang probinsya kung saan ay hindi pa rin inaalis ang mga protocols na dapat sundin at ipatupad kontra sa sakit na COVID-19.
Aniya, kailangan din na makipagtulungan ng barangay sa mga nagmamando ng checkpoints na bago magbigay ng quarantine pass sa mga kukuhang residente ay alamin muna ng mabuti kung balido ang rason ng paglabas.
Kaugnay nito, mayroon kasing mga nabigyan ng quarantine pass subalit pagdating naman sa checkpoint ay hindi pinapayagang bumiyahe dahil sila ay kabilang sa mga Unathorized person outside residence (UPOR).
Mula nang ipatupad ang ECQ patungo sa GCQ ay nakapagtala na ang PNP Tumauini ng mahigit isang (1) libong violators at karamihan sa mga nahuli ay mga lumabag sa social distancing at mga walang maipakitang quarantine pass mula sa barangay.
Muli naman itong nagpaalala sa kanyang nasasakupan na sumunod pa rin sa mga ipinapatupad na alituntunin at huwag munang lumabas ng tahanan kung hindi rin lang importante ang gagawin upang hindi magaya sa mga naunang nahuli.
Dagdag pa ng Hepe, bumaba naman ang bilang ng kanilang mga nahuhuling lumalabag mula nang sumailalim sa GCQ ang probinsya.