PNP, wala pang persons of interest sa pagpaslang sa mamamahayag na si Percy Lapid

Wala pang hawak sa ngayon ang Philippine National Police (PNP) na persons of interest kaugnay sa nangyaring pananambang sa radio commentator ng DWBL na si Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid.

Ayon kay PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., maraming pupwedeng persons of interest pero sa ngayon ay hindi pa nila ito matukoy dahil sa kawalan ng sapat ng ebidensya.

Una na kasing sinabi ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) na posibleng work related ang dahilan sa pagpaslang sa biktima dahil ito ay isang hard hitting radio commentator.


Kasunod nito, kasabay nang pagbisita sa burol ni Lapid ni PNP Chief Azurin kanina ay tiniyak nitong maigagawad ang hustisya sa pagkamatay ng biktima.

Matatandaang bumuo na ang Las Piñas city police ng isang special investigation task force para tutukan ang pagpatay kay Lapid.

Si Lapid ay tinambangan ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa bahagi ng Brgy. Talon Dos Las Piñas City, Lunes ng gabi.

Facebook Comments