Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na wala silang sisinuhin sa panghuhuli ng mga sasakyang gumagamit ng blinkers, sirena, flashers, wang-wang at iba pang kahalintulad na devices.
Ito ang paniniguro ni PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo makaraang ipagbawal ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa lahat ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno na gumamit ng mga nabanggit na illegal attachments para sa kapakanan narin ng publiko.
Ayon kay Fajardo, ano man ang estado sa buhay ng isang tao, ito man ay nakasakay sa magara o ordinaryong sasakyan ay kinakailangang sumunod sa batas.
Kasunod nito, hinihikayat ng PNP ang publiko na idokumento ang makikita nilang sasakyan na gumagamit ng wang-wang, blinkers at iba pa at agad itong ipadala sa kanila.
Babala ni Fajardo, ang sinumang mahuhulihan ng mga illegal attachments sa sasakyan sa unang paglabag ay kukumpiskahin lamang ang mga ito habang sa ikalawang paglabag ay maaaring makulong ng hanggang anim na buwan at maaari itong maging basehan para tuluyang makansela ang lisensya at rehistro ng sasakyan.