POEA, naglabas ng abiso vs bagong modus ng human trafficking sa Cambodia, Laos at Myanmar

Naglabas ng abiso ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) laban sa bagong modus ng human trafficking.

Sa harap ito ng tumataas na ulat ng mga Pilipinong nabibiktima ng cybercrime syndicate sa Cambodia, Laos at Myanmar.

Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Arnell Ignacio, karamihan sa mga nabibiktima nito ay mga Pilipinong nagtatrabaho na sa Thailand, Vietnam at maging dito sa Pilipinas.


Sa ilalim ng POEA Advisory 76, pinaalalahanan ng ahensya ang mga Pilipino na mag-ingat sa pag-a-apply ng trabaho para sa mga call centers, IT-related jobs at gaming operations gaya ng POGO sa mga nabanggit na bansa.

Pinayuhan din ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) na kumpirmahin muna ang mga alok na trabaho sa website ng Department of Migrant Workers.

Aminado naman si Ignacio na mahirap ang pag-rescue sa mga Pilipinong biktima ng nasabing modus dahil nakikipag-usap sila sa mismong mga kriminal.

“Hindi siya madali ha, hindi siya pareho nung kami lang ang kikilos at ayos na. It’s a government-to-government operations… very complex, kailangan talaga ay highly skilled yung makikipag-usap dun,” ani Ignacio sa interview ng RMN DZXL 558.

“Kasi criminal talaga ang kausap natin, hindi mga employer. So it can be very, very unreasonable and delikado dahil sasaktan talaga sila kapag hindi sila nag-deliver,” dagdag pa niya.

Kamakailan lang, 12 OFW na pinangakuang maging call center agent sa Thailand pero ginawang scammer sa Myanmar ng Chinese mafia ang nasagip ng Department of Foreign Affairs at DMW.

Facebook Comments