Nagpasalamat si Pola Mayor Jennifer Cruz sa pagsisimula ng aplikasyon ng compensation claims ng mga apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Pero nanawagan ang alkalde na bilisan ang pagbibigay ng claims at huwag nang paabutin pa ng isang buwan.
Umapela rin ito na maglagay ng opisina na mas malapit sa mga taga-Pola lalo’t ang nasabing bayan aniya ang pinakaapektado ng oil spill sa probinsya.
“Ganon pa man po isa yan sa magandang hakbang pero sana po ay ilapit nalang sa ating mga tao kase sa totoo lang po ang Pola ang pinaka-affected na bayan,” pahayag ni Cruz sa kanyang Facebook post.
“Kaya sana kung pupunta pa ang 4,800 na affected families sa provincial capitol para mamasahe mukhang mahihirapan sila wala na nga po pamasahe papunta sa school papano pa kung pupunta pa sa Calapan,” dagdag niya.
Una nang tiniyak ng insurance company na magbubukas din sila ng claim office sa iba pang lugar sa mga susunod na araw
Samantala, bagama’t nagpapasalamat sa naging hakbang ng kompanya ay nilinaw ni Cruz na tuloy pa rin ang pagsasampa nila ng kaso laban sa mga responsable sa oil spill.