Inalerto na ng Joint Task Force (JTF) COVID Shield ang lahat ng mga police commander sa bansa sa inaasahang pagbabalik-probinsya ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na stranded sa mga quarantine facilities sa Metro Manila.
Ayon kay JTF COVID Shield Commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, parte ng kanilang trabaho na matiyak na ligtas na makakabalik sa kanilang mga lalawigan ang mga OFWs.
Batay sa mandato ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, hahatiin sa tatlong batch ang pagpapauwi sa mga OFWs na nakatapos na ng mandatory quarantine at nag-negatibo sa COVID-19.
Ang pagpapauwi ay sisimulan ngayong araw hanggang sa Miyerkules, May 27.
Tiniyak naman ni Eleazar na hindi made-deny ang biyahe ng mga OFW hangga’t may kopya sila ng quarantine certificate mula sa Bureau of Quarantine (BOQ) at patunay na nasa listahan sila ng mga nag-negatibo sa virus.