Dagupan City – Patay sa pamamaril ang dalawang kalalakihan na natagpuan sa dating golf course sa Sitio Palatong Bonuan Boquig kamakailan. Kinilala itong si Jeffrey Banaag, trenta’y tres anyos na residente ng Sitio Barracks Bonuan Boquig, at isang nagngangalang Jay-R Daoana na residente naman ng Blue beach, Bonuan Gueset Dagupan City.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Dagupan City PNP na bandang alas otso ng umaga ng magreport ang pamunuan ng Barangay Bonuan Boquig sa kanilang opisina ng nasabing insidente.
Ayon sa barangay, isang residente ang nagreport sa kanila. Kwento nito ay naglalakad ito papunta sana sa dagat ngunit pagdating umano nito sa dating golf course ay nagulat ito ng makita ang dalawang lalaking walang wala ng buhay at nakahandusay sa damuhan dahilan upang agad itong ireport sa barangay.
Nakasaad rin sa inilabas na paunang report ng Dagupan City PNP, isang Roderick Zabala , residente malapit sa pinangyarihan ng pamamaril, ang nakarinig umano ng limang putok ng baril bandang alas onse-trenta ng gabi sa pinangyarihan.
Sa pangunguna ni Police Inspector Roland Recoco at PNP Crime lab office kasama ang mga opisyal ng nasabing bayangay, narecover ang limang basyo ng bala ng Calibre 9mm, dalawang basyo ng bala ng calibre 45 at isang slug.
Nagsasagawa pa umano ng karagdagang imbestigasyon ang Dagupan City PNP sa insidente ng pamamaril para sa karagdagang impormasyon at pagkakakilanlan ng mga suspek, maging ang motibo sa likod ng pamamaril.
Samantala, nadala na ang bangkay ng mga biktima sa pinakamalapit na punerarya para sa autopsy examination.
Ulat ni Kareen Grace Perdonio