Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa poliovirus na maaaring makuha umano sa maruming paligid gaya ng maruming tubig.
Ayon kay Dr. Maria Rosario Vergeire ng DOH, kapag ang mga batang walang bakuna ay lumangoy sa maruming tubig tulad ng Manila Bay at nakalunok ng tubig roon ay malaki ang posibilidad na magkaroon ng polyo ang mga ito.
Kaya paalala ng DOH ay huwag lumangoy sa Manila Bay.
Samantala iginiit din ng ahensya na hindi dapat hayaang makapasok ang virus na ito sa katawan ng tao sapagkat ito ay nakamamatay.
Ilan sa mga sintomas nito ay lagnat, pagtatae, at pananakit ng ulo at buong katawan.
Maaari ring makaramdam ng panghihina hanggang mauwi sa pagkalumpo at habambuhay na pagkaparalisa ang sinumang magkakaroon nito.
Sinabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III, “The vaccine-derived poliovirus can still have the ability to mutate and after a while, if you don’t monitor this, it may assume the virulence of the wild poliovirus and create problems of poliomyelitis in vulnerable population or children.”
Patuloy naman ang paghikayat ng DOH sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak.