Kinumpirma ng Labor Department na may mga naitatalang pa ring “hate crimes” sa mga Asian na nakabase sa Amerika.
Ayon kay Labor Attache’ Angela Librado-Trinidad, kaya naman patuloy na nakatutok sa mga Pinoy doon ang Philippine Overseas Labor Office o POLO sa Washington D.C.
Gayunman, hindi naman aniya matindi ang diskriminasyon na kanilang na-monitor, tulad ng pang-iinsulto at ilang physical injuries na ang ilan ay ayaw kumpirmahin ng mga biktima.
Sa tala ng POLO-Washington D.C., hindi umaabot sa 100 ang mga naiulat na Asian hate crimes sa kanilang nasasakupan, subalit maaring mas marami pa rito ang aktwal na bilang ng diskriminasyon.
May kaniya-kaniya na rin aniyang mga pag-iingat ang mga Pinoy sa kanilang paglabas ng bahay gaya ng simpleng pagsusuot ng shades o eye glasses para hindi masyadong mapag-initan dahil sa pagiging Asyano.