Manila, Philippines – Hiniling na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa gobyerno na taasan ang budget ng tatlong proyekto ng Department of Trade and Industry (DTI) para sa micro, small at medium enterprises (MSMEs) sa bansa.
Ini-adopt na ng Kamara ang House Resolution 1772 na nagpapadagdag sa pondo ng tatlong MSMEs ng gobyerno, ang Kapatid Mentor ME Program, ang Shared Service Facilities Project (SSFP) at Trade Fairs ng Bureau of Domestic Trade Promotion (BDTP).
Sa ilalim ng resolusyon, pinatataasan sa P300 million mula sa P150 million ang pondo para sa Kapatid Mentor ME Program habang P1.5 billion naman sa SSFP mula sa dating P1 billion at ang BDTP sa P44 million mula sa P20.6 million.
Layunin ng resolusyon na suportahan ang mga MSMEs sa bansa dahil 99.57% nito ang bumubuo sa mga negosyo sa Pilipinas kung saan 89.63% sa micro, 9.5% sa small at 0.44% sa medium enterprises.
Maliban dito, 63.3% ng labor force o mga manggagawa sa bansa ay mula sa MSMEs.
Ang mga nasabing programa ay magtuturo para sa financing, marketing, business training at paggamit ng mga bagong makinarya at kagamitan.
Ang mga programa para sa MSMEs ng DTI ay alinsunod sa Philippine Development Plan 2017-2022 na layong magbigay ng financial literacy para sa mga MSMEs.