Tumaas ng 17 porsyento ang pondo ng Department of Education (DepEd) Region 1 para sa taong 2026, na umabot sa ₱45.4 bilyon, bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng kalidad ng edukasyon sa rehiyon.
Ayon kay DepEd Region 1 Director Tolentino Aquino, ang pagtaas ng badyet ay alinsunod sa mandato ng Konstitusyon na bigyang-prayoridad ang sektor ng edukasyon.
Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na naabot ng pamahalaan ang rekomendasyon ng United Nations na maglaan ng apat na porsyento ng Gross Domestic Product (GDP) para sa edukasyon.
Sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act, nakatuon ang malaking bahagi ng pondo sa pagbibigay ng sariling learning materials sa bawat mag-aaral upang tuluyang maiwasan ang pagbabahagi ng mga aklat sa silid-aralan.
Ayon kay Aquino, inaasahang magpapabuti ito sa bisa ng pagtuturo at sa pagganap ng mga mag-aaral.
Kasama rin sa pinalakas na badyet ang suporta para sa professional development ng mga guro.
Nakatanggap ang rehiyon ng ₱10 milyon para sa Teacher Preparation Program na layong sanayin ang mga education students bago sila pumasok sa public school system.
Bukod dito, pinalalakas din ng DepEd Region 1 ang mga programang may kaugnayan sa mental health ng mga guro at mag-aaral, gayundin ang mas mahigpit na pagbabantay sa mga kaso ng bullying at child abuse.
Ayon sa DepEd, ang pinalaking pondo ay sumasalamin sa pangako ng pamahalaan na higit pang itaas ang kalidad ng edukasyon at tiyakin ang pangmatagalang kaunlaran ng sektor sa Ilocos Region.






