Nakatuon ang pondo ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa susunod na taon para sa pagpapauwi sa mga Overseas Filipino Worker (OFW).
Sa budget deliberation para sa pondo ng DFA sa 2021, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., na nakasentro ang kagawaran para tiyakin na matutulungan ang mga Pilipino sa ibayong dagat na makabalik ng bansa lalo na ang mga nawalan ng trabaho bunsod ng COVID-19 pandemic.
Sa ngayon, ay nasa 178,000 OFWs na ang napapauwi sa bansa at mayroon pang 177,000 na naghihintay sa kanilang repatriation.
Ipinauubaya naman ng DFA sa Kongreso kung daragdagan ang kanilang pondo partikular sa Assistance to Nationals (ATN) program para sa mga OFWs na nasa P8.506 billion.
Para sa 2021 ay aabot sa P1.259 billion ang alokasyon para sa proteksyon ng karapatan at pagsusulong ng kapakanan ng mga OFWs sa ilalim ng ATN na bahagya lang mataas sa P1.258 billion ngayong 2020.
Umangat lamang sa 0.49% ang pondo ng DFA sa susunod na taon na aabot sa P22.092 billion.