Pondo ng Judiciary at Office of the Ombudsman sa 2023, mabilis na naaprubahan sa deliberasyon ng plenaryo ng Senado

Mabilis na nakalusot sa deliberasyon sa plenaryo ang pondo ng Judiciary para sa 2023.

Sa susunod na taon ay nasa ₱53 billion ang pondo ng Hudikatura na binubuo ng Korte Suprema, lower courts, Presidential Electoral Tribunal, Sandiganbayan, Court of Appeals at Court of Tax Appeals.

Ayon kay Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara, walang mambabatas ang nagpahayag ng pagkwestyon sa budget ng Judiciary dahilan kaya agad din itong nakalusot sa pagtalakay sa plenaryo.


Samantala, lusot na rin sa deliberasyon ng budget ang Office of the Ombudsman na may pondo sa 2023 na ₱4.7 billion.

Inusisa lang ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang confidential fund (CF) ng Ombudsman na aabot sa ₱51.4 million.

Sinabi ni Pimentel na kung hindi maiwasan na ma-zero ang confidential fund ay maging model agency na lamang ang Ombudsman sa paggugol ng CF.

Aniya, mainam kung magiging ehemplo ang Ombudsman sa transparent na pagre-report at paggamit ng confidential fund.

Inihalimbawa ng mambabatas ang ginawa ng Energy Regulatory Commission (ERC) kung saan sa subcommittee level pa lang ay pinalipat na ng ahensya sa ibang mahahalagang line item ang ₱15 million na confidential fund.

Facebook Comments