Pondo ng NTF-ELCAC, binusisi na agad sa unang araw pa lamang ng budget hearing

Hindi pinalagpas ng Makabayan sa unang araw ng budget hearing ang pagbusisi sa dagdag na pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC sa ilalim ng 2022 national budget.

Sa nagpapatuloy na pagdinig para sa P5.024 trillion na 2022 national budget, sinita ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas ang mababang pondong inilaan para sa mga Department of Health (DOH) hospitals gayong halos dumoble pa ang pondo ng NTF-ELCAC sa susunod na taon.

Sa 2022 budget ay tumaas sa P28.1 billion mula sa P16 billion ng 2021 ang pondo ng NTF-ELCAC na malayo sa P3.587 billion na idinagdag sa pondo ng mga DOH hospitals.


Samantalang sa 2022, ang mga DOH hospitals tulad ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na may P607 million, East Avenue Medical Center na may P1.88 billion at Jose Reyes Memorial Medical Center na nasa P1.30 billion.

Ipinunto ni Brosas na hindi naman para sa COVID-19 response ang mga proyekto sa ilalim ng NTF-ELCAC na malayo sa ipino-project ng gobyerno na para sa pantugon sa pandemya ang pambansang budget.

Giit pa ni Brosas, kung para sa pandemya ang 2022 national budget ay mainam pang ilaan ang dagdag na pondo ng NTF-ELCAC sa testing kits para sa milyon-milyong mga Pilipino.

Paliwanag naman ni Department of Budget and Management (DBM) OIC Tina Rose Marie Canda, ang rational sa dagdag na pondo ng NTF-ELCAC ay nadagdagan din ang mga barangay na nilagakan ng mga programa at proyekto ng gobyerno para maging malaya na ang mga ito sa impluwensya ng mga rebelde sa bansa.

Mula sa 800 barangay ngayong 2021, tumaas pa ito sa 1,406 barangays sa 2022 kung saan P20 million ang pondong inilalaan sa bawat barangay.

Facebook Comments