Pondo ng programang TUPAD ng DOLE, direkta nang ibibigay sa mga barangay

Ipinag-utos na ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang muling implementasyon ng Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD program sa Ikalawang Distrito ng Quezon City.

Ito ay kasunod ng halos dalawang linggong suspension order na inilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa nabanggit na programa dahil sa nabunyag na umano’y anomalya sa pagbibigay ng ayuda sa mga benepisyaryo.

Ayon sa kalihim, kailangang makarating sa mga residente ang ayuda kaya’t minabuti ng ahensya na ibalik muli ang programa.


Dagdag pa ni Bello, aabot sa P59 milyong pondo pa ang natitira mula sa ipinatigil na proyekto.

Sa ilalim ng DOLE-TUPAD Program, tatanggap ng daily minimum wage na itinakda sa isang partikular na rehiyon ang isang manggagawa na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya o iba pang uri ng kalamidad.

16,000 pesos ang minimum wage na sinusunod sa NCR pero pinapayagan ng DOLE na hati-hatiin ito para mas maraming masasaklaw na benepisyaryo ang programa.

Batay sa reklamo ng mga unang naisama sa DOLE-TUPAD program, bukod sa hindi naman nagtrabaho ay kinakaltasan umano ng limang libong piso o higit pa ang natatanggap na P7,500 ng isang benepisyaryo.

Nagsasagawa na ng joint investigation ang DOLE-NCR, National Bureau of Investigation at Presidential Anti-Corruption Commission o PACC sa naturang anomalya.

Facebook Comments