Pondo para dagdagan ang ayuda sa mga mahihirap na Pilipino, tiniyak ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano

Tiniyak ni dating House Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano na may pondo para dagdagan ang ayuda sa mga mahihirap na Pilipino.

Kasunod na rin ito ng inihaing House Bill 8597 o Bangon Pamilyang Pilipino (BPP) Assistance Program nina Cayetano at Taguig Rep. Lani Cayetano kung saan bibigyan ng P10,000 ang bawat pamilya o P1,500 sa bawat miyembro ng pamilya na apektado ng COVID-19 pandemic sa pamamagitan ng paggamit sa mga hindi nagalaw na pondo sa mga nagdaang taon.

Sa pulong balitaan sa Taguig, pinakokonsidera nina Cayetano, Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado at Laguna Rep. Dan Fernandez sa pamahalaan ang panukala na dagdagan pa sana ang ayuda ng mga apektado ng pandemya para matiyak na iikot ang hanapbuhay at mga negosyo sa bansa.


Giit ni Cayetano, may pera ang pamahalaan na paghuhugutan para mabigyan ng karagdagang ayuda ang mga pamilya, mga negosyante at mga mahihirap na apektado ng global health crisis.

Sinabi naman ni Villafuerte na maaaring kunin ang pondo sa BPP sa loans, sa savings ng 2020 budget o kaya ay katulad sa ginawa sa Bayanihan 1 kung saan pinondohan ito sa mga items na hindi naman importante sa 2021 budget.

Aniya, batay sa cash balance ng gobyerno ay mayroong P204 billion unobligated funds hanggang noong December 31, 2020 sa ilalim ng 2020 General Appropriations Act (GAA).

Kung 20 milyong pamilya aniya ang bibigyan ng 10,000 cash assistance ay katumbas ito ng P200 billion kung kaya’t sobra-sobra pa ito sa kinakailangang budget.

Ang BPP Assistance Program ay inihain ng mag-asawang Cayetano noong Pebrero 1 bilang pagresponde sa pandemya at patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin.

Prayoridad nito na mabigyan ng ayuda ang mga pinakamahirap na Pilipino, senior citizen, persons with disabilities, solo parents, displaced workers, medical frontliners, pamilya ng Overseas Filipino Workers, mga indibidwal na hindi nabigyan ng Social Amelioration Program, Philippine National ID holders at vulnerable groups.

Facebook Comments