Pondo para sa lab network ngayong 2022, maaaring gamitin sa COVID mass testing

Pinapalabas ni Senator Joel Villanueva sa pamahalaan ang P7.92 bilyon na pondo para sa COVID-19 Laboratory Network sa ilalim ng 2022 national budget na maaaring magamit para sa mass testing para sa COVID-19.

Ayon kay Villanueva, hindi dapat mabalam ang paglalabas ng pondo sa mga pampublikong pasilidad para maibsan ang hirap sa pagte-test sa mga tao kasabay ng paglobo ng bilang ng mga kaso ng Omicron sa bansa.

Sinabi ni Villanueva na kailangan ng mga ospital at iba pang institusyong pangkalusugan na bumili na ng testing kits at iba pang kagamitan sa laboratoryo para rito.


Dagdag pa ni Villanueva, magagamit din ang pondong ito sa training para sa mga swabber, para sa quality control, para sa recalibration ng aparato, at facility maintenance.

Binanggit din ni Villanueva na bahagi din ng pondo ay mapupunta bilang “assistance” sa University of the Philippines National Institutes of Health (UP-NIH) at UP Philippine Genome Center (UP-PGC).

Giit ni Villanueva, dapat itrato na parang bakuna ang pondo sa testing na kailangang maipamahagi agad.

Babala pa ni Villanueva, ang pagkabalam ng paglalabas ng P7.92 bilyong pondo ay magreresulta sa hindi wastong bilang ng mga may sakit ng Omicron variant ng COVID-19.

Facebook Comments