Pondo sa Bayanihan 2, tiniyak ni Speaker Alan Cayetano na hindi magagamit sa 2022 election

Pinabulaanan ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang pahayag ng mga kritiko na posibleng gamitin sa kampanya sa 2022 election ang pondo sa Bayanihan 2 o Bayanihan to Recover as One Act.

Tiniyak ni Cayetano na public service at tulong para sa mga pilipinong naapektuhan ng COVID-19 ang gugugulin sa pondo ng Bayanihan 2.

Kasabay nito ay tinawag ni Cayetano na “bad-taste” ang alegasyon na gagamitin para sa campaign fund ng mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Bayanihan 2.


Iginiit pa nito na “unfair” na palaging iniuugnay ang lahat ng mga programa ng pamahalaan na gagamitin para sa halalan.

Umapela rin si Cayetano kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na kung masakit sa kanila ang red-tagging ay masakit din sa kanila ang ginagawa na election-tagging ng mga kritiko.

Matatandaan na sinabi ni Zarate na nababahala siya na magamit na “campaign-kitty fund” ng pamahalaan ang pondo sa Bayanihan 2 kapag hindi nabubusisi ng husto ang mga pinaglaanan dito.

Kahapon ay inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang P162 billion na Bayanihan 2 at inaasahang sa mga susunod na mga araw ay maisasalang na ito sa bicameral conference committee at mararatipikahan sa susunod na linggo.

Facebook Comments