*Cauayan City, Isabela-* Tatanggalin na ng pamunuan ng Public Order and Safety Division (POSD) Cauayan City ang lahat ng mga nakakasagabal sa mga pangunahing lansangan dito sa Lungsod ng Cauayan.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni retired Superintendent Pilarito Malillin, bagong pinuno ng POSD Cauayan City kung saan nais umanong madisiplinahan ang mga Cauayeño kaya nararapat lamang umano na sumunod sa mga ipinapatupad na ordinansa upang mapanindigan ang pagiging Ideal City of the North.
Maghihigpit narin umano sila sa mga pumaparadang trycycle drivers sa mga gilid ng lansangan maging ang mga nagtitinda malapit sa National Highway upang magkaroon ng mas maluwang at mas maayos na daanan ang mga mamamayan.
Samantala, Bukod sa kanilang pagtutok sa daloy ng trapiko ay kanila ring tinututukan ang mga mamamayan na gamitin ang foot bridge upang hindi malagay sa peligro ang sinumang tatawid sa National Highway at maiwasan na rin ang Jaywalking.
Humihingi naman ng paumanhin si Malillin sa lahat ng mga motorista at Cauayeño na magtiis muna sa nararanasang mabigat na daloy ng trapiko dito sa Lungsod ng Cauayan dahil sa dami na ng mga bumabyahe dulot na rin ng nasirang Siffu Bridge sa Roxas, Isabela.