Cauayan City, Isabela – Matapos ang naganap na nakawan sa isang bahay sanglaan sa Santiago City, Isabela, isinagawa naman ng PNP Cauayan City ang inspeksyon sa mga drainage canals na malalapit sa mga estalisyemento dito sa lungsod.
Sa impormasyong ibinahagi sa RMN Cauayan News Team ni PCR/PSI Esem Galiza ng PNP Cauayan, ang ginawang inspeksyon noong Enero 10, 2018 ay bunsod na rin sa nangyaring insidente ng pagnanakaw kamakailan sa Carig Pawnshop sa Santiago City kung saan mula sa drainage canal gumawa ng daan ang mga kawatan upang mapasok sa nasabing sanglaan.
Bilang hakbang upang maiwasan ang kaparehong pangyayari, kasama ang mga kawani ng City Engineering Office, sa pangunguna ni Engr. Maramag, isinagawa ng kapulisan ang inspeksyon sa iba’t-ibang mga drainage canals dito sa lungsod na posible umanong gamiting pasukan o lusutan ng mga masasamang loob upang makapagsamantala sa mga establisyementong madalas puntirya gaya ng mga bangko at bahay sanglaan.
Sa ginawang inspeksyon, napag-alaman din na may isang bangko dito sa Cauayan ang wala umanong pumposteng gwardiya sa gabi, bagkus ay tiwala umano ang mga ito sa epektibong alarm system at CCTV ng kompanya.
Bagama’t 24/7 na nag-iikot umano ang police patrol ng PNP sa lungsod ng Cauayan, pinayuhan pa rin ni PCR/PSI Galiza ang mga may-ari na paigitingin din ang sistema ng pagbabantay sa kani-kanilang establisyemento upang matiyak na ligtas sa masasamang elemento tulad ng magnanakaw.