Masyado pang maaga para sa posibleng impeachment ni Vice President Sara Duterte-Carpio dahil sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) noong nakaraang taon.
Ito ang sinabi ng mga kritiko na naghain ng petition for certiorari sa Korte Suprema kaninang umaga.
Ayon kay Ateneo Human Rights Center Executive Director Atty. Ray Paolo Santiago, mahirap sabihing hahantong ito sa impeachment dahil hindi pa nila alam ang magiging desisyon ng Korte Suprema sa kanilang petisyon.
Sinabi rin ng dating tagapagsalita ni dating Vice President Leni Robredo na si Atty. Barry Guttierez, na nasa kamay na ng Kongreso at Department of Justice (DOJ) ang desisyon sa petisyong ipinadedeklarang labag sa konstitusyon ang confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) noong 2022.
Ang hiling lamang aniya nila sa Korte Suprema ay desisyunan kung legal ba ang paglilipat ng ₱125 million na pondo sa OVP.
Dagdag pa ni Atty. Katrina Monsod, isa sa mga petitioner, isinusulong nila ang petisyon para hindi na maulit ang kultura na parang bang maraming nakatanggong pera ang gobyerno.
Ayaw aniya nilang mangyari na walang transparency sa paggastos ng kaban ng bayan tulad ng nangyari sa pork barrel.