Cauayan City, Isabela- Pinaghahandaan na ng Provincial Inter-Agency Task Force ng Cagayan (PIATF) ang mga ilalatag na panuntunan para sa pagbubukas ng inter-regional route sa Lalawigan.
Ito’y matapos mapagkasunduan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pangunguna ni Regional Director Edward L. Cabase at ni Gobernador Manuel Mamba ang pagbubukas ng inter-regional na ruta para sa mga pampublikong sasakyan sa unang araw ng Disyembre ng taong kasalukuyan.
Ayon sa Gobernador, naihain na ang resolusyon para sa implementasyon kung saan papayagan nang makapasok sa Lalawigan ang lahat ng mga pampublikong transportasyon mula sa Metro Manila at iba ng rehiyon.
Pero, nilinaw ni Gov. Mamba na kailangan pa rin sundin ang mga panuntunang nakasaad sa ilalim ng alert level system para iwas sa pagkalat at paglobo ng kaso ng COVID-19.
Samantala, ang LTFRB kasama ang Local Government Unit ng Tuguegarao ay magbabalangkas muna para sa mga karagdagang hakbang para sa kaligtasan ng mga manggagaling sa iba’t-ibang rehiyon bago ang nakatakdang petsa.
Ang nasabing petsa ng pagbubukas ay maaari pa rin magbago dahil nakadepende ito sa pagtaas o pagbaba ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa Lalawigan.