Posibleng pagdedeklara ng retrieval operations sa 17 nawawalang indibidwal sa Maguindanao bunsod ng Bagyong Paeng, dedesisyunan bukas

Dedesisyunan ng Maguindanao provincial government at ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office nito bukas, November 7, kung ipagpapatuloy pa o ititigil na ang search and rescue operations sa 17 nawawalang indibidwal bunsod ng pananalasa ng Bagyong Paeng.

Sabi ni Maguindanao Provincial Administrator Atty. Cyrus Torreña, bukas ay magpupulong sina kasama ang PDRRMO upang desisyunan ang susunod nilang hakbang.

Ito ay makaraang imungkahi ng Philippine Coast Guard na itigil na ang search and rescue operations sa halip ay magsagawa na ng retrieval operations.


Ibig sabihin, ang 17 nawawala ay mapapasama na rin sa death toll.

Sa kasalukuyan, 63 ang napaulat na nasawi sa Maguindanao dahil sa mga pagbaha at landslide na idinulot ng Bagyong Paeng.

Habang hindi na aabot ng 4,000 indibidwal ang nananatili pa rin sa mga evacuation center.

Kasabay nito, umapela siya ng mga donasyong materyales gaya ng kahoy at pako para sa pagpapagawa ng mga nasirang bahay ng mga naapektuhan ng bagyo.

Facebook Comments