POT MAKERS SA CAUAYAN CITY, SINANAY NG DTI

Sumailalim sa dalawang araw na pagsasanay ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela ang ilang ‘pot makers’ o gumagawa ng ‘clay pots’ sa Lungsod ng Cauayan na isinagawa sa Barangay San Isidro sa pangunguna ni DTI Isabela SSF Technical Assistant Mr. Armstrong F. Benedicto at Trade and Industry Development Analyst / SSF Focal Person Josa Beth R. Montereal.

Ang isinagawang Upgrading Skills Training on Pottery at Brick Making cum Bookkeeping Seminar ay sa ilalim ng Shared Service Facility (SSF) Program ng nasabing ahensya kung saan nagsilbing resource person rito si Professor Mr. Vicente L. Quinto ng ISU Cauayan City.

Layunin ng programa na pagbutihin at isulong ang kakayahan ng mga taga-Barangay San Isidro sa paggawa, pag hulma at disenyo ng iba’t-ibang klase ng ‘pot’.

Inirekomenda naman sa mga kalahok ang paggamit ng iba pang hilaw na materyales tulad ng fiber at silicone bilang alternatibong materyal sa paggawa ng naturang produkto.

Bukod dito ay tinalakay din sa kanilang seminar ang kahalagahan ng Book Keeping at tamang pagpapatakbo ng isang negosyo.

Samantala, plano naman ng mga ‘pot makers’ sa Lungsod ng Cauayan na ibenta ang kanilang mga gawang produkto sa mga LGUs bilang souvenir items; makapagbigay ng kaalaman sa mga Unibersidad para sa preserbasyon ng tradisyunal na paggawa ng ‘clay pot’ at sumali sa mga Trade Fairs para makilala ang kanilang mga produkto.

Kabilang naman sa mga ibinahaging kagamitan ng DTI Isabela sa mga lumahok ang jiggering machine, manual potter’s wheels, kiln dryer, clay roller kneader, digging shovel, wheel borrower, brick molders, at pottery tool kit.

Facebook Comments