Ipinatigil ng Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan ang operasyon ng isang poultry farm sa Purok 2, Barangay Banaoang at binigyan ang operator nito ng 72 oras upang mailipat ang tinatayang 5,000 alagang manok.
Kasunod ito ng surprise inspection nitong Setyembre 16 matapos muling makatanggap ng mga reklamo mula sa mga residente kaugnay sa mabahong amoy, pagdami ng langaw at kondisyon sa paligid ng poultry farm.
Sa inspeksyon, nakita ng composite team ng LGU ang maraming langaw, naipong manure at iba pang kondisyon sa pasilidad na inirereklamo ng mga residente.
Ayon sa Municipal Treasurer’s Office, isinailalim na sa foreclosure ang poultry farm noong Agosto 2025 dahil sa kawalan ng kinakailangang permits at mga isyu sa sanitation.
Sa kabila nito, natuklasan sa pinakahuling inspeksyon na ginagamit pa rin ang pasilidad para sa poultry operation.
Sinabi naman ng Sanitary Inspection Office na mula pa noong 2020 ay wala nang business permit ang naturang poultry farm. Nauna na rin umanong nagbigay ang tanggapan ng mga rekomendasyon upang matugunan ang mga problema sa sanitation.
Hindi rin umano nag-isyu ng barangay permit ang Barangay Banaoang dahil sa patuloy na reklamo ng ilang residente kaugnay sa mabahong amoy at pagdami ng langaw.
Kasunod ng inspeksyon, binigyan ang operator ng tatlong araw o 72 oras upang mailipat ang mga alagang manok at tuluyang ihinto ang operasyon sa kasalukuyang lokasyon.
Ayon sa LGU, sakaling ilipat ang poultry farm sa ibang lugar, kailangan munang makumpleto ang kinakailangang business permits at masunod ang sanitation, environmental at iba pang regulatory requirements bago ito muling makapag-operate.
Patuloy namang imo-monitor ng mga kinauukulang tanggapan ang pagsunod ng operator sa closure at relocation order. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










